TUGUEGARAO CITY-Magsasagawa ng tatlong araw na mass testing ang Department of Health (DOH) sa lungsod ng Tuguegarao na sisimulan sa Nobyembre 24 hanggang 26, 2020 matapos makapagtala ng mahigit 100 aktibong kaso ng coronavirus disease 2019(Covid-19)ang lungsod.

Ayon Kay Regional Director Rio Magpantay ng DOH-Region II, nasa 30 swabbers na mula sa kalakhang Maynila ang magiging katuwang ng City Health Office (CHO)-Tuguegarao sa isasagawang mass testing.

Aniya, target ng grupo na makapagtest ng 3,500 na katao sa lungsod kabilang na ang mga frontliners at mga lumikas sa mga evacuation center na mga residente nang maranasan ang malawakang pagbaha sa probinsya.

Kaugnay nito, sinabi ni Magpantay na bukas, Nobyembre 23, 2020 ay magbibigay ng abiso ang kanilang tanggapan kasama ang Office of Civil Defense, Department Of the Interior and Local Government (DILG) at ang mga kawani ng LGU-Tuguegarao sa mga Brgy. Captain sa gagawing mass testing sa mga residente.

Kasalukuyan na rin nilang pinagpaplanuhan kung saan ipapatayo ang swabbing testing center sa lungsod.

-- ADVERTISEMENT --

Paliwanag ni Magpantay na magiging per batch ang gagawing testing at pangunahin nilang target ang mga residente na nakitaan na ng sintomas ng virus tulad ng ubo, sipon at lagnat.

Umaasa ang opisyal na magkakaroon ng kooperasyon ang mga barangay captain sa bawat lugar para mapagtagumpayan ang target na bilang ng mga indibidwal na isasailalim sa testing.

Bukod dito sa lungsod ng Tuguegarao, magkakaroon din ng mass testing sa Cauayan City at Ilagan City sa probinsya ng Isabela kung saan mayroon ding naitalang community transmission.

Sinabi ni Magpantay na dalawang araw ang gagawing mass testing sa Cauayan habang isang araw naman sa Ilagan City.