Oplan Huli Week

Pinigilan nang pumasada ang tatlong bus drivers na nagpositibo sa paggamit ng ilegal na droga sa isinagawang surprise at mandatory drug testing sa ikinasang “Oplan Huli Week” ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Tuguegarao City.

Ayon kay Lala Tomas, tagapagsalita ng PDEA RO2 na sasailalim pa ang mga nagpositibo sa confirmatory test at kung muling magpostibo ay isasailalim na ito sa Drug Dependency Exam (DDE) upang matukoy kung anong intervention ang kailangan para sa kanya.

Kinumpiska na rin ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng tatlong bus driver at hindi na pinayagan pang bumiyahe.

Nabatid na nasorpresa ang 160 transport workers na kinabibilangan ng 120 bus drivers, 28 conductors, at tig-anim na maiantenance crew ata dispatchers sa ikinasang drug test ng PDEA sa mga bus terminal sa lungsod.

Kamakailan, isang tricycle driver ang nagpositibo sa illegal na droga sa ikinasang Oplan Harabas.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, negatibo naman ang isinagawang surprise K9 sniffing operations sa Tuguegarao City Airport at sa Port Irene para sa day 2 ng Oplan Huli Week.

Dagdag pa ni Tomas na ang pagsasagawa ng surprise drug test sa mga driver ay dahil sa tumataas na bilang ng aksidente sa kalsada na kinasangkutan ng mga bumabatak na tsuper.