Nasawi ang tatlong mamamahayag, kabilang ang isang freelancer ng Agence France-Presse (AFP), matapos ang isang Israeli air strike sa Gaza nitong Miyerkules, ayon sa civil defense ng teritoryo.

Kinilala ang mga nasawi na sina Mohammed Salah Qashta, Abdul Raouf Shaat, at Anas Ghneim.

Si Shaat ay regular na nag-aambag sa AFP bilang photo at video journalist, bagaman hindi siya naka-assign sa ahensiya nang mangyari ang insidente.

Ayon sa civil defense, tinamaan ng air strike ang isang civilian vehicle sa lugar ng Al-Zahra, timog-kanluran ng Gaza City.

Dinala ang mga bangkay sa Al-Aqsa Martyrs Hospital sa Deir al-Balah.

-- ADVERTISEMENT --

Sa pahayag naman ng Israeli military, sinabi nitong tinarget nila ang mga “suspect” na umano’y nagpapatakbo ng drone na iniuugnay sa Hamas, na anila’y banta sa kanilang mga tropa.

Isang saksi ang nagsabing gumagamit ng drone ang mga mamamahayag upang kumuha ng larawan ng pamamahagi ng tulong ng Egyptian Relief Committee nang mangyari ang pag-atake.

Tinawag ng grupong Hamas ang insidente bilang dangerous escalation at paglabag sa umiiral na ceasefire sa Gaza.