Tatlong miyembro pa ng Militia ng Bayan o supporters ng New Peoples Army (NPA) ang sumuko sa pulisya sa bayan ng Rizal, Cagayan.
Ang mga miyembro na may kaugnayan umano kay Ferdinand Bautista alyas ‘Ka Simoy’ ng NPA ay sumuko nang walang armas sa hepe ng pulisya ng Rizal PNP.
Ayon kay PCAPT Joevencio Calagui, hepe ng PNP Rizal, na ang pagsuko sa gubyerno ng naturang mga dating rebelde ay resulta ng programang ‘Bisita ni PD’ at ‘Bisita ni COP’ na layong pigilin ang local communist armed conflict alinsunod sa Executive Order #70 ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kanyang pagbisita sa Barangay Masin, sinabi ni Calagui na nakausap niya ang tatlo na nasa edad 24, 32 at 64 kaugnay sa kanilang pagkakakilanlan at pagkakasama sa listahan bilang militia ng Bayan na nagresulta sa pagnanais nilang sumuko.
Sa rebelasyon pa ng mga dating rebelde sa pulisya, simula taong 2015 o hanggang pitong taon na tumutulong ang mga ito sa grupo ni Bautista sa pamamagitan ng pagbibigay ng masisilungan at pagkain tuwing pumupunta sa kanilang lugar.
Sasailalim sa proseso ang mga sumukong supporters ng NPA para maka-avail ng mga benepisyo sa ilalim ng E-CLIP o Enhanced Comprehensive Local Integration Program ng pamahalaan.
Ngayong taon, sinabi ni Calagui na nasa siyam na militia ng bayan na ang sumuko sa bayan ng Rizal.