TUGUEGARAO CITY – Hindi inasahan ng tatlong nagtapos sa Saint Paul University Philippines (SPUP)- Tuguegarao na mapabilang sila sa Top 10 at hangad lamang daw nila na makapasa sa katatapos na Nursing Licensure Exam.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Marlchiel Nathan Areglado mula Alicia, Isabela na hindi siya makapaniwala na Top 3 siya sa board exam.
Kwento ni Areglado, matapos manalangin ay nakatulog siya sa kalagitnaan ng exam at nagising nang ianunsiyo ng proctor na labinlimang minuto na lamang ang nalalabi sa kanilang oras.
Bagamat nakapagpahinga ng kaunti dahil sa kulang sa tulog, pinilit ni Areglado na tapusin ang pagsusulit.
Sinabi naman ni Fatima Sheryl Agcaoilli, Top 9 mula Tuguegarao City na bagamat nahirapan siya sa dalawa sa tatlong sets ng exam sa Day 1 subalit naging madali para sa kanya na sagutan ang huling set ng exam sa Day 2.
Kwento pa niya na bawat item na mahirap sagutan ay kanya itong ipinagdarasal.
Malaking hamon din para kay Agcaoili ang hindi nila natapos na duty sa ospital nang ito ay nag-aaral pa dahil sa pandemya.
Tulad ng dalawa, sobra rin umanong nag-alala si Yashmine Ancheta, Top 10 sa Licensure Exam mula Tuguegarao City dahil sa kakulangan ng tulog dahil inatake siya ng kanyang sakit na astma nang gabi bago ang pagsusulit.
Gayunman, dahil sa panalangin ay tiwala itong maipapasa niya ang exam.
Sa ngayon ay nasasabik na ang tatlo na makapagtrabaho at makatulong sa bansa, lalo ngayong may kinakaharap na pandemya.
Bukod sa pagiging registered nurse, plano pa ni Areglado na magpatuloy sa medisina upang maging doctor habang hinikayat nito ang publiko na kabilang sa priority group na magpabakuna laban sa COVID-19.
Samantala, pumangalawa bilang top-performing school ang Saint Paul University- Tuguegarao matapos makuha ang 96.08% passing rate para sa kanilang 49 passers mula sa 51 examinees.
Ang resulta ng Nursing Licensure Exam ay isinapubliko ng PRC, 10 araw matapos ang pagsusulit nitong July 3 at 4 ng kasalukuyang taon.