PNP-ALCALA

Nagpapagaling na sa Cagayan Valley Medical Center ang dalawang driver at isang angkas sa nangyaring banggaan ng dalawang motorsiklo sa bayan ng Alcala, Cagayan, kahapon.

Kinilala ang mga nasangkot sa aksidente ang mag-asawang Marson Reynoso, 31-anyos at Maricon Maguddayao, 30 anyos, kapwa residente ng Sto Niño, Cagayan.

Ayon kay PCrpl Judemar Verbo, imbestigador ng PNP-Alcala, nakabanggaan ng mag-asawa ang isa pang motorsiklo na minamaneho ng suspek na si Joseph Bartido, 21-anyos ng Brgy Tupang.

Lumabas sa imbestigasyon na habang binabagtas ng suspek ang pakurbadang bahagi ng National Highway sa Brgy Maraburab ay bigla itong nawalan ng kontrol hanggang sa nag-overshoot at bumangga ito sa kasalubong na motorsiklo na kapwa pauwi na galing sa kanilang mga trabaho.

Sinabi ni Verbo na sa lakas ng banggaan, parehong tumilapon ang dalawang rider at isang angkas na nagtamo ng head injury at mga bali sa kanilang paa.

-- ADVERTISEMENT --

Matapos silang nilapatan ng paunang lunas ng mga rumespondeng pulis ay dinala ang mga ito sa CVMC.

Ayon kay Verbo, nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin ang suspek at masyadong mabilis ang pagpapatakbo nito sa kanyang motorsiklo at wala ring suot na helmet nang mangyari ang insidente.

Sa ngayon ay inihahanda na ng pulisya ang kasong reckless imprudence resulting in physical injuries and damage to property laban sa suspek.