
May namataan ang Philippine Navy na 30 barko ng China malapit sa ilang lugar sa West Philippine Sea (WPS) nitong unang mga araw ng Marso.
Sinabi ng Navy, namataan ang 11 Chinese vessels sa Bajo de Masinloc, walong barko sa Ayungin Shoal, pito sa Escoda Shoal, at apat sa Pagasa Island.
Ito ay mas mababa sa 34 na barko ng China na namonitor sa WPS features mula Pebrero 22 hanggang March 1.
Pinalitan ng bansa sa West Philippine Sea ang ilang bahagi ng South China Sea upang igiit ang pag-aari sa mga nasabing teritoryo.
Ang West Philippine Sea ay tumutukoy sa maritime areas sa kanlurang bahagi ng Pilipinas kabilang ang Luzon Sea at mga katubigan sa palibot nito, sa loob at katabing Kalayaan Island Group at Bajo de Masinloc.
Patuloy ang tensyon dahil sa halos lahat ng teritoryo sa South China Sea ay inaangkin ng China, kabilang ang mga bahagi na inaangkin ng Pilipinas, Vietnam, Indonesia, Malaysia, at Brunei.
Noong 2016, pumabor para sa bansa ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa Hague kaugnay sa pag-aangkin ng China sa South China Sea.
Hindi kinikilala ng China ang nasabing desisyon ng International Tribunal.










