Nanawagan ng tulong pinansyal ang small hog raiser na may-ari ng halos 30 biik na namatay sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Ofel sa Sta. Cruz, Gonzaga, Cagayan.
Ayon sa may-ari na si Cristine Tamayo, sa 29 na alagang biik ay isa lamang ang nabuhay kung saan nasa P5,000 ang halaga ng bawat isa.
Unang nakaligtas ang kanyang mga alaga sa magkakasunod na bagyo at tanging kulungan lamang ng piggery ang nasira sa bagyong Marce.
Hindi naman aniya nila inaasahan na abutin ng tubig baha ang kanilang piggery sa kasagsagan ng bagyong Ofel at hindi nakayanan ng mga ito ang magdamag na lamig.
Kinabukasan, pagkatapos ng bagyo nang tumambad sa kanila ang mga patay na biik na agad nilang ibinaon sa lupa.
Sinabi ni Cristine na kahit kaunting tulong ay malaking bagay na sa kanila upang kanilang magamit sa muli nilang pagsisimula sa babuyan.
Hindi pa aniya sigurado kung sakop sa insurance ng PCIC ang naturang mga alagang hayop dahil tanging ang inahin nito ang kanilang naipaseguro.