
Isinusulong sa House of Representatives ang panukalang batas na magbibigay ng karagdagang 30% calamity pay sa mga empleyadong kinakailangang pumasok sa trabaho sa kabila ng kalamidad at matinding kondisyon ng panahon.
Inihain ni TRABAHO Party-List Rep. Johanne Bautista ang House Bill No. 4435 o Calamity Pay Law, na naglalayong gawing mandatory ang karagdagang bayad bukod sa regular na sahod ng mga manggagawa sa pampubliko at pribadong sektor.
Saklaw ng panukala ang mga lugar na idineklarang state of calamity, nasa ilalim ng Typhoon Signal No. 3 o Red Rainfall Warning, may government-mandated work suspension, o lubhang naapektuhan ng mga kalamidad gaya ng lindol at pagbaha.
Layunin nitong mabigyan ng kompensasyon ang mga manggagawang patuloy na pumapasok sa trabaho sa kabila ng panganib upang maiwasan ang bawas-sahod o posibleng sanction mula sa kanilang employer.
May mga exemption naman sa panukala para sa mga manggagawang likas na tungkulin ang disaster at emergency response, gayundin sa mga retail at service establishments na karaniwang may mas mababa sa 10 empleyado.
May itinakda ring parusa sa mga employer na lalabag, kabilang ang multang hanggang ₱100,000, pagkakakulong ng anim na buwan hanggang isang taon para sa mga responsableng corporate officer, at hindi pag-renew ng local business permit.
Samantala, mahigit 6 na milyon katao na ang naapektuhan ng pinagsamang epekto ng Habagat at mga Bagyong Luis, Maymay at Neneng, ayon sa NDRRMC.










