TUGUEGARAO CITY-Umaabot sa 30,000 family food packs ang kasalukuyang ipinamamahagi ng Local Government Unit (LGU)-Tuguegarao sa mga residente ng lungsod na apektado ng muling pagsailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ayon kay Mayor Jefferson Soriano, maliban sa tanggapan ng LGU-Tuguegarao, ang mga ipinapamahaging food packs ay mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Provincial Government ng Cagayan.
Sinabi ni Soriano na ilan sa kanilang target na bigyan ng family food packs ay ang mga tricycle at kalesa driver na isa sa mga labis na naapektuhan dahil sa kawalan ng public transportation.
Una na rin aniya silang nakapagbigay ng cash allowance sa mga miembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at iba pang mahihirap na pamilya sa lungsod.
Humingi naman ng paumanhin ang alkalde sa mga hindi mabibigyan ng ayuda dahil limitado na lamang ang kanilang tulong na maibibigay.
Target ng LGU-Tuguegarao na maipamahagi ang tulong bago matapos ang ECQ sa Enero 29,2021.
Samantala, pinapatutukan na rin ng alkalde ang vaccination plan ng lungsod para sa nalalapit na pagdating covid-19 vaccine sa bansa para maging maayos ang distribution sa lungsod.
Sa ngayon, mayroong 282 na aktibong kaso ng covid-19 ang kalunsuran kung saan 80 dito ay mga frontliners kabilang na si Mayor Soriano.