TUGUEGARAO CITY- 32 ang panibagong naidagdag na kaso ng Delta variant ng covid-19 sa Region 2.
Sinabi ni Dr. Ma. Angelica Taloma, focal person on covid-19 ng Department of Health Region 2 na ang mga nasabing specimen ay sinuri ng Genome Center nitong August 25 at 26.
Sa nasabing bilang, ang Isabela ang may pinakamarami na 14 na local cases at isang returning OFW, sumunod ang Cagayan na 10 na local cases, Nueva Vizcaya na may lima at may naitala na ring dalawang kaso sa Quirino.
Ang mga apektadong lugar sa Isabela ay sa Santiago City na may lima, Tig-dalawa sa Aurora, Jones at San Mateo, tig- isa naman sa Ilagan, Roxas, Tumauini at Alicia habang sa Cagayan ay pito sa Tuguegarao City, dalawa sa Allacapan at isa sa Tuao.
Sa Nueva Vizcaya naman ay dalawa sa Bagabag, tig- isa sa Quezon, Bambang at Dupax Del Norte habang dalawa naman sa Cabaruguis, Quirino.
Sinabi ni Taloma na dalawa ang namatay mula sa nasabing bilang, isa sa Alicia, Isabela at isa sa cabaroguis, Quirino.
Dahil dito, umaabot na sa 55 ang kumpirmadong kaso ng Delta variant sa Region 2.
Idinagdag pa ni Taloma na batay sa kanilang imbestigasyon at pag-aaral, ang ilan sa mga nahawa sa Delta variant ay sa loob mismo ng mga bahay at sa kanilang trabaho habang ang mas maraming kaso ay hindi matukoy kung saan nila nakuha ang virus.
Dahil dito, sinabi ni Taloma na nagsasagawa na sila ng masusing contact tracing sa mga primary close contacts ng mga nagpositibo sa Delta variant maging sa second at third contacts ng mga ito para sa kaukulang aksion.
Samantala, sinabi ni Taloma na posibleng ang pagkakaroon na rin ng Delta variant sa Quirino ang dahilan ng mabilis din ng pagdami na rin ng kanilang kaso ng covid-19.
Dahil dito, muling iginiit ni Taloma ang pagsunod sa minimum health standards sa lahat ng oras at magpabakuna upang magkaroon ng proteksion laban sa covid-19.