
Pormal na nanumpa at tumanggap ng kani-kanilang ranggo ang 348 bagong tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) sa isinagawang simultaneous oath-taking ceremony at donning of ranks sa National Headquarters nito sa Muntinlupa City ngayong Huwebes, Nobyembre 19.
Pinangunahan ni BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang seremonya, kung saan 274 ang itinalagang Corrections Officer 1, 21 Corrections Technical Officer 1 at anim na civilian personnel.
Kabilang din sa mga bagong tauhan ang 31 Corrections Inspectors at siyam na Corrections Technical Inspectors na pumasok sa pamamagitan ng lateral entry. Samantala, may mga kawani ring na-promote sa kanilang mga posisyon.
Sa kanyang mensahe, iginiit ni Catapang na kaakibat ng kanilang bagong ranggo ang responsibilidad na maglingkod nang may dignidad, integridad at disiplina, partikular sa pangangalaga at rehabilitasyon ng mga Person Deprived of Liberty o PDL.
Inaasahan namang makatutulong ang pagdaragdag ng mga tauhan sa pagpapalakas ng operasyon at serbisyo ng BuCor sa buong bansa.










