Pinaalalahanan ng Bureau of Corrections o BuCor ang mga tauhan nito na tiyaking ligtas at maayos ang pagkakakandado ng kanilang mga baril, pribado man o government-issued.

Kasunod ito ng insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Zamboanga City na umano’y kinasangkutan ng baril na pag-aari at inisyu sa isang opisyal ng Bureau of Customs.

Ayon kay BuCor Director General Gregorio Catapang, hindi dapat mapasakamay ng mga hindi awtorisadong tao, lalo na ng mga bata, ang mga baril.

Inatasan ang mga personnel na maglagay ng kanilang firearms sa matibay na gun safe o lockbox na nakapirmi sa sahig o pader, gayundin ang paggamit ng trigger o cable lock.

Dapat ding nakahiwalay at nakakandado ang mga bala upang mabawasan ang panganib ng aksidenteng pagpapaputok at hindi awtorisadong paggamit ng armas.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-diin ng BuCor na kailangan ang disiplina at mahigpit na pagsunod sa firearm safety protocols upang maiwasan ang aksidente, pagkasawi at iba pang malubhang epekto.