TUGUEGARAO CITY-Matagumpay at mapayapang naidaos ang “Afi Dance Exhibition” kasabay ng pagdiriwang ng ika-295th Afi festival sa lungsod ng Tuguegarao, na ginanap sa Cagayan Sports Complex, kagabi.
Sabay-sabay na sumayaw ang nasa 3,500 estudyante ng Cagayan State University (CSU )Andrews at Carig Campus na may hawak na nakasinding sulo o torch na siyang naging highlights sa naturang aktibidad.
Sa naging panayam kay Bob Ancheta, isa sa mga estudayanteng sumayaw, bagamat hindi siya residente ng lungsod, labis ang kanyang kasiyahan dahil naging parte siya ng pagdiriwang ng Afi festival.
Ayon kay Ancheta, sulit ang kanilang pagod at oras na inilaan sa kanilang dalawang linggo paghahanda dahil naging matagumpay ang kanilang pagsasayaw.
Aniya, kung muli siyang mapapabilang sa mga kukuning sasayaw sa susunod na taon ay handa siyang ibigay ang kanyang oras para muling maging parte ng pagdiriwang ng kapistahan.
Samantala, umaabot naman sa sampung estudyante ang nanghina at nahimatay dahil sa init at pagod habang sumasayaw kung saan ang ilan sa kanila ay isinugod sa pagamutan para mabigyan ng paunang lunas.