
Umabot sa 38 katao ang nasawi mtapos tamaan ng Russian drone strike ang isang ammunition depot sa labas ng Kyiv, Ukraine, na nagdulot ng sunod-sunod na pagsabog at matinding pinsala sa mga kalapit na kabahayan.
Ayon kay Ukrainian President Volodymyr Zelenskiy, tinamaan noong Biyernes ang pasilidad militar sa nayon ng Myla na naglalaman ng artillery shells, mina, drones at iba pang mga bala. Nagdulot ito ng mga secondary explosion at sunog sa residential area, dahilan upang ilikas ang daan-daang residente.
Kabilang sa naapektuhan si 48-anyos na si Liudmyla Polianychko, na nagtangkang linisin ang kanyang bahay na napuno ng mga basag na salamin at debris. Bumagsak din ang isang pader habang nagtatago sila ng kanyang anak sa banyo nang magsimula ang mga pagsabog.
Gayunman, sinabi ni Polianychko na nagpapasalamat siyang nakaligtas sila sa insidente. Aniya, hindi niya alam na may imbakan ng mga bala malapit sa kanilang komunidad.
Ayon kay Zelenskiy, apat na katao pa ang nawawala at patuloy ang search and rescue operations. Malawak din umano ang contamination sa lugar dahil sa mga hindi sumabog na bala at iba pang debris.
Sinabi ng Ukrainian president na ito na ang ikalawang insidente sa loob ng dalawang buwan na kinasasangkutan ng ammunition warehouse sa Kyiv region na nagdulot ng secondary explosions at pagkamatay ng mga sibilyan. Aniya, nagsimula na ang mga criminal investigation kaugnay nito.
Samantala, patuloy ang pag-atake ng Russia sa Kyiv at mga karatig-lugar. Ayon kay Zelenskiy, halos 2,000 attack drones, mahigit 1,600 bomba at 31 missiles ang inilunsad ng Russia laban sa Ukraine ngayong linggo.










