Naghain ng certificate of candidacy o coc para sa pagka-kongresista si 3rd district congressman Joseph Lara.

Pasado alas-nuebe kaninang umaga ng dumating si incumbent congressman Lara sa tanggapan ng Commission on Elections o Comelec-provincial sa Brgy. San Gabriel, Tuguegarao City para ihain ang kaniyang kandidatura.

Lalaban si Cong. Lara sa ilalim ng Lakas-Christian Muslim Democrats bilang kaniyang partido.

Sa kaniyang pahayag pagkatapos maghain ng kaniyang kandidatura, binigyang diin ni Lara na tatapusin niya ang mga nasimulan niyang proyekto na kaniyang ipinangako noong una siyang sumabak sa pagka-kongresista ng ikatlong Distrito ng Cagayan.

Ilan aniya sa mga ito ay ang Amulung bridge na inaasahang matatapos ang main bridge sa susunod na taon; Tuguegarao-Solana bridge na nakatakdang buksan ang steel bridge ngayong buwan para mabawasan ang bilang ng mga sasakyan na dumadaan sa luma ng Buntun bridge at maibsan ang masikip na daloy ng trapiko kung rush hour.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa ni Cong. Lara na target din na matapos sa unang quarter ng 2025 ang steel bridge para sa ipapatayong Gosi, Tuguegarao-Alibago, Enrile bridge maging ang Pinacanauan bridge ay target na matapos sa susunod na taon.

Ayon pa sa kaniya na kung matapos ang ginagawang dike road ay plano niyang gumawa ng water sports activities sa Pinacanauan river na makakatulong sa pag-usbong ng turismo at ekonomiya ng lalawigan ng Cagayan.

Samantala, bilang suporta sa kapakanan ng mga magsasaka, inihayag ng mambabatas na kasama siya sa mga kongresista na nagsulong sa pagkakapasa ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act na magbibigay parusa sa mga smugglers na pumapatay sa pangkabuhayan ng mga magsasaka.

Umaasa si Lara na sa pamamagitan ng pagpapataw ng mabigat na parusa sa mga sangkot sa agricultural smuggling ay matitigil na ang naturang iligal na gawain para sa kapakanan ng mga maliliit na magsasaka.

Nakikipag-ugnayan din aniya ang kaniyang tanggapan sa administrator ng National Irrigation Administration o NIA para sa mga proyekto na dapat na mapondohan at maipatupad para maitaas ang produksiyon ng mga magsasaka ng palay at mais hindi lamang dito sa ikatlong Distrito kungdi sa buong probinsiya.

Samantala, naghain din ng coc kaninang umaga si incumbent 1st District Board Member Kamille Concepcion Ponce-Reyes.
Muli siyang tatakbo sa pagka-board member sa naturang Distrito para sa ikalawa niyang termino.

Ayon kay BM Kamille na tutukan niya ang pagtulong sa mga nangangailangan ng tulong medikal at livelihood program kung palarin siyang muling manalo sa pagka-bokal sa unang Distrito ng Cagayan.