Nalunod ang apat na batang magkakamag-anak sa isang bagong tayong fishpond sa Brgy. Bannawag, Diffun, Quirino, habang naglalaro at naliligo kahapon.

Ayon sa ulat ng Quirino PS, ang mga nasawi ay ang magkapatid na babae na may edad na siyam at sampu, residente ng La Paz, Saguday, at magpinsang lalaki at babae na kapwa may edad na pito at taga-Brgy. Bannawag, Diffun.

Ayon sa ulat, hindi nagpaalam ang mga bata sa kanilang mga magulang bago pumunta sa fishpond.

Bandang alas-2 ng hapon, nagkayayaan umano ang mga bata na maligo sa bagong tayong fishpond dahil sa sobrang init ng panahon.

Subalit, hindi sila nakita ng mga magulang nang magtungo sila sa lugar.

-- ADVERTISEMENT --

Pagkatapos ng ilang oras, pasado alas-4 ng hapon, ipinahanap ang mga bata ngunit hindi sila matagpuan.

Ayon sa ilang kapitbahay, nakita pa nilang sumakay ang mga bata sa kariton patungo sa bukid.

Kaya’t nagdesisyon ang mga magulang na magtungo sa bukid at doon nila natagpuan ang mga katawan ng mga bata na nakalutang sa fishpond, na may lalim na 15 metro.

Agad namang nagresponde ang rescue team upang maiahon ang mga biktima.