
Inaresto ng San Juan City Police ang apat sa 18 dating bodyguards ni dating congressman Zaldy Co kaugnay ng cyberlibel case laban sa kanila.
Ayon kay San Juan City Police Chief Col. Anthony Gantang, inaresto ang apat habang humaharap sa isa pang kaso sa Hall of Justice sa San Juan City.
Agad naman silang nakapagpiyansa ng tig-₱10,000 at nakalaya bandang alas-4 ng hapon nitong Biyernes.
Ang mga dating bodyguard, na tinaguriang “maleta boys,” ay naging kontrobersyal matapos umanong magkuwento tungkol sa paghahatid ng pera para kay Co at iba pang personalidad.
Samantala, hindi bababa sa 10 iba pang dating bodyguard ang naaresto dahil sa mga kasong perjury. Apat naman sa 18 bodyguard ang binawi na ang kanilang mga naunang pahayag at piniling manahimik.










