Maaaring pag-aralan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang pagpapatupad ng apat na araw na workweek bilang bahagi ng hakbang ng pamahalaan upang makatipid sa enerhiya, ayon sa Malacañang.

Sa press briefing, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na bukas ang Pangulo sa pag-aaral ng mungkahi, lalo na kung lalala pa ang tensyon sa pagitan ng Israel at Iran.

Nauna nang iminungkahi ni Senador Sherwin Gatchalian ang apat na araw na workweek na may isang araw na work-from-home setup upang makatulong sa mga manggagawa sa gitna ng tumataas na presyo ng langis.

Nag-ugat ang panukala matapos utusan ng Pangulo ang mga ahensya ng gobyerno na magpatupad ng mga hakbang sa pagtitipid ng enerhiya dahil sa epekto ng kaguluhan sa Middle East sa pandaigdigang presyo ng langis.

Panawagan din ni Marcos sa publiko na makiisa sa pagbabawas ng konsumo ng enerhiya upang mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

-- ADVERTISEMENT --