TUGUEGARAO CITY-Pinaghahanap na ang apat na mangingisda matapos na tumaob ang kanilang sinasakyang bangka sa karagatang sakop ng lalawigan ng Cagayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Tuguegarao, sinabi ni Ensign Juanito Melad, acting station commander ng coast guard Cagayan, pauwi na kahapon, Disyembre 22,2020 ang magkapatid na sina Rowel at Reymund Taguba sa Brgy. Bisagu, Aparri mula sa pangingisda ng tumaob ang kanilang bangka matapos hampasin ng malalakas na alon sa bahagi ng bukana ng ilog Cagayan sa nasabing bayan.
Ayon kay Melad, narekober ang wasak na bangka ng magkapatid sa Brgy. Allasitan, Pamplona subalit hindi nila natagpuan ang dalawa.
Bukod dito, tumaob din ang dalawang bangka ng apat nilang kasamahang nangisda subalit nakaligtas naman ang mga ito.
Nagpapatuloy din ang search and rescue operations ng Philippine Coast Guard sa dalawa ring mangingisda na unang naiulat na nawawala noong December 12, 2020.
Inihayag ni Melad na galing naman sa bayan ng Claveria sina Jaynard Umengan, residente ng Camiguin, Calayan at Jerome Villena ng Babuyan, Island nang maiulat silang nawawala.
Sinabi ni Melad na batay sa impormasyon mula sa kamag-anak ng dalawang nawawalang mangingisda ay pauwi na rin sana ang mga ito subalit hindi na sila nakarating sa kanilang bahay hanggang sa ngayon.
Dahil dito, inalerto ng coast guard ang ibat ibang Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) at iba pang mga rescue team para mahanap ang mga nawawalang mangingisda.