
Hindi baba sa apat na katao, kabilang ang isang 3-taong-gulang na bata, ang nasawi matapos ma-trap sa nasusunog nilang bahay sa Barangay 107, Pasay City nitong Biyernes ng hapon.
Sumiklab ang sunog bandang ala-1:00 ng hapon at mabilis na kumalat sa mga kabahayang gawa sa light materials.
Umabot din ang apoy sa kalapit na Barangay 106.
Ayon sa mga residente, posibleng sumabog na tangke ang pinagmulan ng sunog, ngunit patuloy pa itong iniimbestigahan ng mga awtoridad.
Dakong alas-4 ng hapon nang tuluyang maapula ang apoy. Sa clearing operation, natagpuan ng mga bumbero ang mga labi ng mga biktima.
Dalawa sa mga bangkay ang natagpuang magkayakap pa at hinihinalang kabilang dito ang 3-taong-gulang na bata.
Naging mahirap ang retrieval operation dahil gumuho ang ikalawang palapag ng isang bahay. Kinailangan pang maghukay ng mga bumbero sa lugar kung saan huling nakita ang mga nawawalang residente.
Batay sa paunang impormasyon, kabilang sa mga nawawala ang isang mag-asawang senior citizen, isang batang edad tatlo, at isa pang adult na babae.
Tinatayang 20 pamilya ang naapektuhan ng sunog.










