Apat ang patay, kabilang ang pitong taong gulang na lalaki habang walo ang nasugatan sa pagbangga ng Toyota Fortuner sa tricycle at kolong-kolong dahil umano sa lasing na driver nitong Sabado ng gabi sa bayan ng Gonzaga, Cagayan.

Ayon kay PLT Orlan Capili, deputy chief of police ng Gonzaga PNP na dakong alas 10:30 ng gabi nang bumangga ang SUV sa isang tricycle at isang kolong-kolong sa bahagi ng tulay sa Brgy Ipil.

Sinabi ni Capili na papuntang bayan ang tricycle na sakay ang dalawang pasahero na pawang taga- Brgy Ipil habang nakasunod sa kanila ang kulay grey na SUV na minaneho ni Rodolfo Batin, 56-anyos at residente ng Brgy Arellano, Quezon, Isabela.

Nasa impluwensiya umano ng nakalalasing na inumin at matulin ang patakbo ng driver ng SUV na naging dahilan ng pagbangga nito sa tricycle na noon ay nakahinto sa bahagi ng 1-way lane na tulay upang padaanin ang kasalubong na kolong-kolong.

Matapos mahagip ay bumaligtad ang tricycle habang muling sinalpok ng SUV ang kasalubong na kolong-kolong na lulan ang siyam na katao na pawang magkakamag-anak at residente ng Brgy Baua.

-- ADVERTISEMENT --

Dead on the spot ang driver ng kolong-kolong na kinilalang si Donato Barsatan at pasaherong si Velvet Geron habang namatay sa pagamutan ang asawa ni Donato at ang kanilang anak na pitong taong gulang.

Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang walong iba pa na kinabibilangan ng mga menor de edad na pasahero ng kolong-kolong at tricycle na nagtamo ng matinding mga sugat sa kanilang katawan.

Nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple physical injuries, and damage to property ang suspek na nasa kostodiya ng pulisya.