Inalis na ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang ipinaiiral nilang 45-day benefit limit sa layuning lalo pang mapaghusay ang kanilang serbisyo sa kanilang mga miyembro.

Sinabi ni PhilHealth president at CEO Edwin Mercado, ang natu­rang 45-day benefit limit ay isa nang ‘outdated cost-containment stra­tegy’ kaya’t nagpasya silang alisin na ito.

Kasabay nito, binigyang-diin din niya ang pangangailangan na masasaklaw ang higit sa 45 araw, para sa ilang kondisyon.

Ayon kay Mercado, naiintidihan nila kung bakit inilagay ang benefit limit, subalit sinabi niya na kasabay ng pagbabago sa payment mechanism, napapanahon na rin na magpatupad ng reporma sa nasabing sistema.

Kaugnay nito, nagpasalamat din si Mercado sa PhilHealth Board sa pag-apruba sa naturang policy update.

-- ADVERTISEMENT --

Idinagdag pa niya na upang matiyak naman ang responsable at epektibong implementasyon ng bagong polisiya, masusing imo-monitor ng PhilHealth ang patient admissions, readmissions, at paggamit ng benepisyo na lampas ng 45 days.

Ang health facility­ compliance sa clinical standards at reimbursement rules ay isasailim din sa assessment sa pamamagitan ng Health Care Providers Performance Assessment System (HCPPAS).