
Aabot sa 48 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos na tumupok ang sunog sa residential area sa Pinikitan, Barangay Camaman-an, Cagayan de Oro City noong gabi ng Good Friday, Abril 3, 2026.
Ayon sa City Disaster Risk Reduction and Management Department (CDRRMD), nagsimula ang sunog bago mag-10 ng gabi at itinaas sa third alarm. Idineklarang fire out ang sunog bandang 2:50 ng madaling araw ng Sabado, Abril 4.
Isang residente ang nagsabing nagkaroon ng alitan ang isang mag-asawa sa lugar bago magsimula ang sunog. Ang ilang bahay ay gawa sa kahoy at plywood kaya madaling kapitan ng apoy.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog, kabilang ang posibilidad ng pagsabog ng butane canister.
Tinatayang umaabot sa mahigit P300,000 ang pinsalang idinulot ng sunog.
Ang City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ay nagpo-profile ng mga apektadong pamilya para sa agarang tulong. Bawat pamilya ay nakatanggap ng mga pangunahing gamit tulad ng hygiene kits, dining kits, kitchen kits, banig, kumot, at kulambo. Nagbigay rin ang pamahalaang lungsod sa barangay community kitchen ng sako-sakong bigas at de-latang pagkain.










