TUGUEGARAO CITY- Tinaya ng Commisson on Population o POPCOM Region 2 na aabot na sa 5.2 million ang magiging populasyon ng rehion ngayong taon.
Sinabi ni Teresa Soriano, assistant director na ang kanilang pagtaya at base sa population growth rate na 1.17 percent sa region 2 at mula sa kabuuang bilang ng populasyon noong August 1, 2015.
Ang populasyon ng rehion noong August 1, 2015 ay 3.4 million.
Ayon sa kanya, ito ay base sa normal situation kung saan hindi pa kasama dito ang projection na dagdag na populasyon dahil sa covid-19 pandemic.
Sinabi ni Soriano na ang inaasahan na magkakaroon ng mabilis na pagtaas ng populasyon ngayong taon ay ang Nueva Vizcaya, sunod ang Isabela, Cagayan, Quirino at Batanes.
Gayonman, sinabi ni Soriano na kung ikukumpara sa ibang rehion, ang lambak ng Cagayan ang isa sa may mababang population growth rate.
Kaugnay nito, sinabi ni Soriano na ang isa sa magiging epekto ng paglaki ng populasyon ay ang pagtass din ng basic needs ng mga mamamayan.
Kaakibat din nito aniya ang pangangailangan na madagdagan ang budget at manpower para maihatid ang dekalidad na serbisyo sa mga mamamayan.
Samantala, sinabi ni Soriano na ang hamon sa kanila ngayong taon at sa susunod pang mga taon ay ang pagpapatupad ng Social Protection Program for Young Adults na naipasa lang na batas nitong nakalipas na buwan.
Layunin nito ay matiyak na mapangalagaan ang batang ina at maging ang kanyang anak sa pamamagitan ng pagpapabalik sa ina sa pag-aaral habang tinitiyak din ang magandang kinabukasan ng kanyang anak.
Bukod dito, sinabi ng opisyal na patuloy din ang kanilang pagpapatupad ng adolescense birth rate bagamat ito ay isasagawa pa lang sa Santiago City.
Ito aniya ay ang pagtiyak na walang mabubuntis na mga kabataan sa kanilang lugar.