
Maghahain pa ng lima hanggang anim na karagdagang kaso ang Office of the Ombudsman kaugnay sa isyu ng flood control anomaly.
Ayon kay Ombudsman na si Jesus Crispin Remulla, inaasahang maisasampa ang mga ito sa loob ng susunod na dalawang linggo, bagamat wala pa siyang ibinigay na detalye.
Kinumpirma rin ni Remulla na si dating House Speaker at Leyte Representative na si Ferdinand Martin Romualdez ang mambabatas na inisyuhan ng freeze order.
Nauna nang sinabi ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na nakakuha ito ng freeze order mula sa Court of Appeals laban sa isang mambabatas na sangkot umano sa anomalya. Sakop nito ang 25 bank accounts at 10 insurance policies na nakapangalan sa kanya.
Sa ngayon, nasa ilalim pa ng paunang imbestigasyon ang kaso at tiniyak ng Ombudsman na sinusunod ang tamang proseso habang tinutugunan ang isyu ng katiwalian.








