Nagpakawala ng tubig ang limang dam sa Luzon bilang paghahanda sa inaasahang pananalasa ng Bagyong Uwan na patuloy na lumalakas habang papalapit sa bansa.

Tatlong gate ng Angat Dam sa Bulacan ang bukas, na naglalabas ng 449 cubic meters per second (cms) ng tubig. Ang hakbang ay bunsod ng pagtaas ng lebel ng tubig sa 210.33 metro, na mas mataas ng 0.33 metro kumpara sa normal na antas na 210.00 metro.

Sa Ipo Dam na matatagpuan din sa Bulacan, tatlong gate din ang nakabukas sa taas na 2.50 metro, na naglalabas ng 354.10 cms ng tubig. Ang kasalukuyang antas ng tubig dito ay 100.77 metro, malapit na sa normal high water level na 101.10 metro.

Dalawang gate naman ng Magat Dam sa mga lalawigan ng Ifugao at Isabela ang nakabukas sa taas na apat na metro, na naglalabas ng 1,058.39 cms ng tubig. Ang reservoir water level ng dam ay nasa 185.51 metro, o 7.49 metro na lamang ang pagitan sa normal na antas na 193.00 metro.

Sa Benguet, tig-isang gate ang binuksan sa Ambuklao Dam at Binga Dam. Ang Ambuklao ay naglalabas ng 55.15 cms ng tubig, habang 47.45 cms naman ang inilalabas ng Binga. Ang antas ng tubig sa Ambuklao ay 749.98 metro, o 2.02 metro na lamang ang agwat sa normal na lebel na 752.00 metro. Samantala, ang Binga ay may 573.55 metrong lebel ng tubig, halos 1.45 metro na lang ang layo sa 575.00 metrong normal na antas.

-- ADVERTISEMENT --

Nagbabala ang weather bureau na magdudulot ng malalakas na pag-ulan ang Bagyong Uwan sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas. Inaasahang lalakas ito bilang isang super typhoon at tatama sa kalupaan sa pagitan ng katimugang bahagi ng Isabela at hilagang bahagi ng Aurora sa Linggo ng gabi o Lunes ng madaling-araw.