TUGUEGARAO CITY-Huli sa entrapment operation ng National Bureau of Investigation(NBI)-Region 02 ang limang katao dahil sa pagbebenta ng pekeng titulo ng lupa sa bayan ng Camalanuigan, Cagayan.

Kinilala ni Gelacio Bongngat, Director ng NBI R02, ang mga suspek na sina Billy Ibarra Sistoza, Reynaldo Martinez Delelis, Leilanie Torida Mirafuente, Orlando Penaflor Alariao at Jun Dela Rosa Tablac na pawang mga residente ng probinsiya ng Cagayan.

Ayon kay Bonggat, nakilala ng complainant na si Cyrille Lozada ang mga suspek na sina Siztoza na nagpapanggap bilang Heriberto Remudaro at si Delelis maging ang tatlong iba pa nang mag-offer ng apat na parcel ng lupa na nakapangalan umano kay Remudaro na matatagpuan sa Brgy. Rapuli sa bayan ng Sta Ana na nagkakahalaga ng P6.5M.

Habang isinasagawa ang proseso para maipangalan sa biktima ang lupa kung saan nakapagbigay na ito ng paunang bayad na P1.5M ay kanyang napag-alaman na patay na ang nagmamay-ari ng lupa na si Remudaro at ginagamit lamang ng mga suspek ang nasabing pangalan.

Dumulog din si Lozada sa Registry of Deeds at kanyang natukoy na ang mga ipinakitang titulo ay kanselado na at mayroon nang bagong nagmamay-ari ng lupa.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito ay lumapit na ang biktima sa NBI kung saan natukoy ng ahensya na si Sistoza ay dati nang nahuli noong 2018 sa kaparehong paglabag at pagbebenta ng fake gold bar ngunit nakapaglagak ng piyansa.

Agad namang nagsagawa ng entrapment operation ang NBI sa Brgy Ziminila, Camalanuigan para sa pagbabayad ng complainant ng P5M na sanhi ng pagkakahuli ng mga suspek.

Nahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Article 315 ng Revised Penal Code in relation to Presidential Decree 1689 na ngayon ay nasa kustodiya na ng NBI.

Narekober din mula sa mga suspek ang mga boodle money na ginamit sa transaksyon at ID Card.

Sa ngayon, inaalam pa ng NBI kung may mga posibleng kasama pa ang mga suspek at hinikayat din ng opisyal ang iba pang biktima ng mga suspek na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan upang agad na maaksyunan. with reports from Bombo Efren Reyes Jr.