Patay sa sunog ang limang batang magpipinsan sa Tondo, Manila nitong Lunes ng gabi, Disyembre 30.

Hindi na muna pinangalanan ng awtoridad ang mga biktima na nagkaka-edad lamang ng walo hanggang 14-taong gulang, at pawang miyembro ng pamilya Aguilar na siyang nagma-may-ari at umookupa sa tahanan.

Lumilitaw sa inisyal na ulat ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP) na alas-10:39 ng gabi nang sumiklab ang sunog sa ikalawang palapag ng 3-storey na residential property at inookupa ng mga pamilya ng tatlong magkakapatid.

Ayon sa lolo ng biktima na si Gil, naidlip na siya nang gisingin ng isang apo at sabihing nasusunog ang kanilang bahay.

Tinadyakan umano niya ang pinto ng silid ngunit malakas na apoy na ang sumalubong sa kaniya.

-- ADVERTISEMENT --

Anang matanda, wala ang kaniyang anak nang maganap ang sunog dahil nagtinda ito.

Labis naman ang paghihinagpis ng matanda dahil ilan aniya sa mga biktima ay bumisita lamang sa kanilang bahay upang magkasama-sama sana silang salubungin ang Bagong Taon.

Ayon sa BFP, naitaas sa ikalawang alarma ang sunog bago tuluyang naapula dakong alas-11:25 ng gabi.

Wala namang ibang tahanang nadamay sa sunog na tinatayang tumupok sa higit P150,000 halaga ng mga ari-arian.

Patuloy pa namang inaalam ng mga awtoridad ang pinagmulan ng sunog.