Natagpuan nang buhay ng mga rescue team ang lima sa pitong taong na-trap sa isang kuweba sa Laos matapos ang halos isang linggong pagkakakulong, habang nagpapatuloy ang operasyon para mahanap ang dalawa pa.

Ayon sa mga Thai volunteer rescuers, natunton ang lima bandang 4:30 p.m. habang nagpapatuloy ang paghahanap sa natitirang dalawang nawawala sa Xaisomboun Province.

Sinabi ng rescue team leader na si Kengkard Bongkawong na magpapatuloy ang operasyon hanggang sa matagpuan ang lahat ng na-trap sa loob ng kuweba.

Nagpakita naman ng saya ang mga nasagip sa isang video na kumalat sa social media, kung saan makikitang nakangiti at nag-aangat ng kamay ang mga ito.

Ayon sa ulat, ang pitong Laotian ay pumasok sa kuweba upang maghanap ng ginto nang ma-trap sila matapos ang malakas na ulan at landslide na nagharang sa kanilang labasan.

-- ADVERTISEMENT --

Kasama sa operasyon ang mga Thai volunteer rescuers, kabilang ang isang diver na lumahok din sa kilalang 2018 Tham Luang cave rescue operation sa Thailand.