
Sumuko sa National Bureau of Investigation (NBI) nitong Biyernes si Felicito Guevarra, isa sa mga kapwa akusado nina Leyte Rep. Martin Romualdez at dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co sa kasong plunder kaugnay ng maanomalyang flood control projects.
Si Guevarra, presidente ng Samchan Foreign Exchange Corp., ay pinagkalooban ng Office of the Ombudsman ng conditional immunity dahil mahalaga umano ang kaniyang testimonya at mga dokumento sa pagtukoy sa katotohanan sa kaso.
Ayon sa Ombudsman, kabilang sa mga kondisyon ng kaniyang immunity ang buong kooperasyon sa imbestigasyon, tapat na pagsisiwalat ng impormasyon, pagsuko ng lahat ng rekord at electronic devices ng kompanya, pananatili sa bansa at paglalagay sa ilalim ng proteksiyon ng Department of Justice (DOJ).
Binigyang-diin naman ng Ombudsman na hindi nangangahulugan ng kawalan ng criminal liability ang pagsasauli ng Samchan sa Bureau of the Treasury ng kinita nito mula sa mga kuwestiyonableng transaksiyon.
Nagbabala rin ang ahensiya na babawiin ang immunity ni Guevarra at magpapatuloy ang kaniyang pag-uusig sakaling lumabag ito sa alinman sa mga kondisyon.
Inaasahang makatutulong ang kaniyang testimonya at mga dokumento upang matunton ang daloy ng pondong sangkot sa kasong isinampa laban sa iba pang akusado.
Samantala, iginiit ng Ombudsman na mananatili ang mga kasong isinampa laban sa iba pang respondent at lahat ng akusado ay itinuturing na inosente hangga’t hindi napapatunayang nagkasala sa korte.










