Umabot sa 55 pamilya o 142 indibidwal ang inilikas sa bayan ng Sta. Praxedes matapos ang sunud-sunod na pag-ulan dahil sa epekto ng bagyong Kristine.

Ayon kay JanPhilip Montala ng Disaster Risk Reduction Management Operations at Warning ng Sta. Praxedes, pitong barangay mula sa sampu ang naapektuhan gaya ng Capacuan, Centro 2, Macatel, Portabaga, Salungsong, San Juan, at Brgy. San Miguel.

Aniya, ang mga inilikas ay mga residente na nakatira malapit sa ilog at sa mga lugar na prone sa landslide habang isang pamilya rin ang inilipat sa mas matibay na tahanan.

Kaugnay nito ay sinabi ni Montala na nagkaroon na ng pagpupulong ang mga ito noong Lunes upang paghandaan ang sitwasyon, at nakapagbigay na ng mga relief goods.

Sinabi ni Montala na may mga naitala na ring apektadong magsasaka sa kanilang mga pananim, kabilang ang palay, livestock, high-value crops, at pangingisda.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kabila nito ay nakahanda naman ang lokal na pamahalaan ng Sta.Praxedes sakaling kailanganin ng mga kagamitan para sa rescue operations.

Sa ngayon ay wala namang naiulat na casualties habang ang mga daanan at tulay sa bayan ay nananatili paring passable.