Masaklap ang sinapit ng isang ginang na si Wa Siti, 55-anyos, matapos siyang atakihin at lingkisin ng isang dambuhalang sawa habang namimitas ng gulay sa kaniyang bakuran sa Southeast Sulawesi, Indonesia.

Ayon sa anak niyang si La Faru, hindi na nakabalik ang ina matapos magpaalam, kaya’t agad niya itong hinanap.

Sa gitna ng talahiban, tumambad sa kaniya ang nakagigimbal na tanawin kung saan nakapasok na ang ulo ng kaniyang ina sa bibig ng higanteng ahas, habang balot ng laway ang mukha nito.

Sa tulong ng mga kapitbahay, tinangkang iligtas ang ginang gamit ang machete at flashlight, ngunit huli na ang lahat.

Dahil sa matinding galit at takot, pinaslang ng mga residente ang sawa.

-- ADVERTISEMENT --

Nagpaalala naman ang mga awtoridad sa mga mamamayan na mag-ingat, lalo na sa mga lugar malapit sa kagubatan, dahil sa patuloy na pagdami ng populasyon ng mga mapanganib na sawa sa rehiyon.