Ligtas na nasagip ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 58 katao, kabilang ang 40 pasahero at 18 tripulante, matapos tumagilid ang isang roll-on/roll-off (RoRo) vessel malapit sa Real Port sa Barangay Ungos, Real, Quezon, kaninang madaling-araw.

Ayon sa PCG, naganap ang insidente bandang alas-12:44 ng madaling-araw, habang nasa layong sampung metro mula sa pantalan ang MV Virgen de Peñafrancia II.

Kabilang sa mga nailigtas ang dalawang sanggol na ligtas ding nailikas kasama ng iba pang sakay ng barko.

Natapos ang rescue operation bandang alas-3:30 ng madaling-araw at kinumpirmang nasa maayos na kalagayan ang lahat ng nasagip.

Bumiyahe ang barko mula Polillo Port patungong Real Port at may kargang 14 na sasakyang may gulong.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, nagtalaga na ang PCG ng oil spill boom upang maiwasan ang posibleng pagkalat ng langis sa mga karatig-baybayin.

Ayon sa mga tripulante, may tinatayang 1,300 litro ng marine diesel oil sa tangke ng barko.

Inatasan na rin ng PCG ang shipping company na kumuha ng Emergency Salvage Permit para sa ligtas na pagsagip at pag-alis sa tumagilid na sasakyang pandagat.

Patuloy naman ang imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng insidente at masuri ang posibleng epekto nito sa kapaligiran.

Tiniyak din ng PCG na hindi maaapektuhan ang biyahe ng mga sasakyang pandagat sa Southern Tagalog, kasabay ng pagpapaigting ng inspeksiyon sa mga barko ngayong Undas.