TUGUEGARAO CITY-Nananatiling nasa evacuation center ang nasa 66 na pamilya na katumbas ng 255 na indibidwal dahil hindi pa humuhupa ang tubig-baha partikular sa core shelter ng Brgy. Annafunan East dito sa lungsod ng Tuguegarao.

Ayon kay Gerald Valdez, sanguniang kabataan (SK) Chairman ng Brgy.Annafunan East, may ilang kabahayan sa core shelter ang lubog pa rin sa baha dahil sa naranasang tuloy-tuloy na buhos ng ulat kasabay ng pananalasa ng bagyong Vicky nitong nakaraang taon.

Dahil dito, sinabi ni Valdez na isa sa kanyang irerekomenda sa mga Barangay council ang pagkakaroon ng drainage sa lugar para may labasan ang naiipong tubig.

Aniya, pahirapan ang paglabas ng tubig-baha dahil walang drainage ang lugar kung kaya’t hanggang ngayon ay hindi pa tuluyang humuhupa ang tubig.

Dagdag pa ni Valdez na hanggang ngayon ay hindi pa rin maaaring dumaan ang mga light vehicles sa bahagi ng Brgy. Annafunan East dahil mataas pa ang tubig-baha.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kabila nito, sinabi ni Valdez na masaya pa ring ipinagdiwang ng mga evacuees ang pasko at bagong taon kung saan nakapaghanda rin sila ng kaunting pagkain na kanilang pinagsaluhan.