TUGUEGARAO CITY – Umani ng papuri sa publiko ang katapatan ng apat na estudyante ng Piat National High School na nagsauli ng napulot na brown envelope na naglalaman ng P68-K sa Piat, Cagayan.

Kinilala ang mga ito na sina JayM Agustin, Kurt Exiquiel Baribad, Danny Boy Daguio, at Arjay Gulatera, pawang mga grade 9 students.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni P/Capt. Marjellie Gallardo, deputy chief of police ng PNP- Piat na dakong alas 7:00 ng umaga nitong Lunes nang magtungo sa himpilan ng pulisya ang apat na estudyante, kasama ng kanilang mga magulang at Brgy officials upang personal na isauli ang pera.

Agad namang naibalik ang pera matapos makumpirma ang may-ari nito at sa pamamagitan ng facebook post ng Bombo Radyo Tuguegarao kaugnay sa nahulog na pera na ipinadala lamang sa jeepney driver na si Jomar Canapi ng Brgy Tabang, Sto Nino, Cagayan.

Nabatid na hindi namalayan ni Canapi na nahulog ang pera habang ito ay nagmamaneho ng kanyang jeep.

-- ADVERTISEMENT --

Batay sa kwento ng mga bata, nakita nila ang brown envelope sa gilid ng lansangan ng Zone 1, Brgy Maguilling, Piat habang sila ay naglalakad pauwi matapos ang paglalaro ng basketball dakong alas 3:00 ng hapon nitong Linggo, February 5, 2023.

Dahil sa takot sa malaking halaga ng pera ay pansamantalang inuwi ng batang si Gulatera ang pera at nakipag-ugnayan sa Brgy Secretary ng Brgy Maguilling na kanyang kamag-anak at naging daan upang maisauli ito sa may-ari.

Bagamat unang nagdalawang isip ang mga bata na isauli ang pera ay nanaig pa rin sa kanila ang pagiging tapat na laging ipina-aalala ng kanilang mga magulang.

Dahil sa kanilang katapatan, sinabi ni Gallardo na isang magandang ehemplo sa kabataang kung ituring ngayon ng mga taga Piat ang pagsasauli ng apat na bata ng napulot na pera.