Isang malakas na lindol na may lakas na magnitude 7.4 ang tumama sa bahagi ng Molucca Sea sa hilagang-silangan ng Indonesia, ayon sa U.S. Geological Survey.

Nangyari ang lindol kaninang madaling araw ng Huwebes (lokal na oras), na may lalim na 35 kilometro.

Ayon sa USGS, ang sentro nito ay nasa 127 kilometro kanluran-hilagang-kanluran ng lungsod ng Ternate sa Indonesia.

Nagbabala rin ang U.S. tsunami warning system na posibleng magkaroon ng tsunami bunsod ng lindol.

Ang Indonesia, na binubuo ng mahigit 280 milyong katao, ay matatagpuan sa mga pangunahing fault line kaya madalas itong tamaan ng lindol at pagputok ng bulkan.

-- ADVERTISEMENT --

Bahagi ito ng tinatawag na “Ring of Fire,” isang bahagi sa Pacific Ocean kung saan aktibo ang mga bulkan at lindol.

Noong 2022, isang magnitude 5.6 na lindol ang tumama sa Cianjur sa West Java na ikinasawi ng hindi bababa sa 602 katao — ang pinakamapaminsalang lindol sa bansa mula noong 2018 nang isang lindol at tsunami sa Sulawesi ang pumatay ng mahigit 4,300 katao.

Noong 2004 naman, isang napakalakas na lindol sa Indian Ocean ang nagdulot ng tsunami na kumitil sa mahigit 230,000 buhay sa iba’t ibang bansa, karamihan ay sa lalawigan ng Aceh sa Indonesia.