TUGUEGARAO CITY-Nasa pitong confirmed cases ng Coronavirus Disease (Covid-19) ang kasalukuyang minomonitor sa Cagayan valley Medical Center (CVMC).
Ayon kay Dr. Glenn Mathew Baggao, Medical Center Chief ng CVMC, mula sa nasabing bilang, tatlo ay mula sa Cagayan, tatlo rin sa Isabela at isa sa Kalinga.
Ang mga pasyente na mula sa Cagayan ay galing sa bayan ng Sta Ana, Baggao at ang bagong kaso na mula sa Amulung.
Paliwanag ni Baggao, ito na ang pangatlong swab test ng pasyente na mula sa Sta Ana at Kalinga kung saan ang resulta ay positibo pa rin sa virus.
Dahil dito, muling isasagawa ang kanilang pang-apat na swab test sa 14 na araw ng kanilang hospitalization kung saan ngayong araw, June 30, 2020 ang ika-11 araw ng kanilang pagpapagamot.
Sa kabila nito, sinabi ni Baggao na asymptomatic ang mga pasyente habang minomonitor sa pagamutan.
Samantala, 11 suspected cases ang minomonitor din sa CVMC kung saan pito ay mula sa Cagayan, tatlo ay mula sa Isabela at isa sa Kalinga.