
Naniniwala si Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na may tangka na pabagsakin ang pamahalaan kasunod ng mga panibagong alegasyon na idinadawit si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa eskandalo sa flood control projects.
Tinukoy ni Lacson ang timing ng press conference na isinagawa sa Club Filipino sa San Juan City noong Martes, kung saan inakusahan si Marcos na mastermind sa umano’y pagdadala ng P805 billion cash kickbacks sa ilang opisyal ng pamahalaan.
Ipinunto ni Lacson na isinagawa ang press conference sa bisperas ng 40th anniversary ng Edsa People Power Revolution, at habang isinasagawa ng International Criminal Court ang pagdinig sa Confirmation of Charges laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte may kaugnayan sa war on drugs.
Sinabi ni Lacson na tila may kulay pulitika at may tangkang destabilisasyon ang nasabing press conference.
Kinuwestion din ni Lacson ang venue ng press conference, kung saan dito isinagawa ang panunumpa ng namayapang si dating Pangulong Corazon Aquino bilang pangulo ng bansa kasunod ng matagumpay na Edsa revolt na nagpatalsik kay dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Sa nasabing press conference, inakusahan ni Atty. Levito Baligod si Marcos na inutusan ang 18 dating Marines na magdala ng mga suitcase na may lamang pera sa ilang pulitiko, kabilang si Congressman Martin Romualdez at dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.
Tinawag ni Lacson na nakakagulo ng isip ang alegasyon, dahil sinasabing ang malaking halaga ng kickbacks ay mula sa flood control projects.
Sinabi ni Lacson na nakakaduda ang alegasyon dahil masyadong malaking ang halaga na P805 billion kickbacks habang ang kabuuang halaga ng flood control projects mula 2023 hanggang 2025 ay P1.3 trillion.
Ayon kay Lacson, kung totoong nakatanggap si Co ng nasabing halaga, ito ay nasa 70 percent ng kabuuang inilaan para sa flood control projects sa nasabing panahon.
Sinabi niya na ibig sabihin halos lahat ng mga nasabing proyekto ay ghost projects.










