Mariing kinondena ng lokal na pamahalaan ng Antipolo City ang brutal na pagpatay sa pitong manggagawa ng isang panaderya sa Barangay Cupang nitong Martes, ilang araw matapos ang paggunita sa Mahal na Araw.

Sa opisyal na pahayag ng lungsod, tinawag nila ang insidente bilang isang “walang saysay” at “nakababahalang” karahasan, at nanawagan ng pagkakaisa at malasakit sa bawat isa.

Nakiramay rin ang pamahalaang lungsod sa mga naulila ng mga biktimang pawang mula sa Masbate.

Ayon kay Rizal police chief PCol. Felipe Maraggun, nag-ugat ang pamamaslang sa isang alitan sa pagitan ng suspek at kapwa may-ari ng panaderya.

Tinaga ng suspek ang pitong manggagawa hanggang sa mapatay, bago ito sumuko sa Camp Crame at ngayo’y nasa kustodiya ng Antipolo City police.

-- ADVERTISEMENT --

Sa hiwalay na pahayag, nanawagan si Barangay Cupang chairman Peter Papel Jr. sa mga residente na manatiling matatag at huwag magpadaig sa takot.