Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na pitong Pilipinong seafarers ang nasugatan matapos tamaan umano ng Iranian drone attack ang kanilang sinasakyang Maltese-flagged container ship na CMA CGM San Antonio sa Strait of Hormuz.

Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, ligtas ang lahat ng pitong Pinoy na tripulante ngunit nagtamo ng iba’t ibang sugat at kasalukuyang ginagamot sa ospital.

Sa pitong nasugatan, apat ang nagtamo ng minor injuries habang tatlo naman ang nasa seryosong kondisyon at mahigpit na minomonitor ng mga doktor.

Sinabi rin ni Cacdac na patuloy na binabantayan ng mga opisyal ng Philippine Embassy at labor attaché ang kalagayan ng mga Pilipinong seafarers, at nakikipag-ugnayan na rin ang mga ito sa mga hospital authorities.

Nangyari ang insidente habang binabagtas ng barko ang Strait of Hormuz, na itinuturing ngayong high-risk at warlike area dahil sa tumitinding tensiyon sa pagitan ng United States, Israel, at Iran.

-- ADVERTISEMENT --