
Ayon kay Senador Panfilo “Ping” Lacson, pitong senador na ang pumirma sa partial report ng Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa imbestigasyon sa kontrobersiya sa flood control projects.
Sinabi ni Lacson na dalawa na lamang na pirma ang kulang para maihain at ma-sponsor sa plenaryo ang ulat ng komite.
Kabilang sa mga lumagda sa report sina Lacson, Senate President Vicente “Tito” Sotto III, at mga Senador Bam Aquino, Risa Hontiveros, Erwin Tulfo, Kiko Pangilinan, at Raffy Tulfo.
Ayon kay Lacson, patuloy ang pag-abante ng imbestigasyon ngunit ilang buwan na ang lumipas at pitong miyembro pa lamang ang pumipirma sa draft report. Iginiit niya na iginagalang niya ang desisyon ng mga hindi pumirma.
Sa plenaryo, sinabi rin ni Lacson na maaari niyang i-reserve ang karapatan na magtanong at mag-interpellate sa mga susunod na talakayan ng ulat.
Nagbabala rin ang senador noon na maaaring ma-archive ang partial report kung hindi ito maisusumite bago mag-adjourn ang 20th Congress sa Hunyo 2026.









