Mapapailawan na ng Cagayan Electric Cooperative (CAGELCO 1) ang pitong sitio mula sa anim na barangay sa bayan ng Baggao, Cagayan sa ilalim ng rural electrification program ng pamahalaan.

Ayon kay CAGELCO 1 General Manager Francisca Obispo, nakatakdang isagawa ang groundbreaking ceremony para sa naturang programa na nagkakahalaga ng P17 milyon at target na matapos sa loob ng 180-days.

Kinabibilangan ito ng Sitio Blue water sa Pallagao; Zone 4 Bantay sa Brgy. San Francisco; Zone 5 sa Brgy. Hacienda Intal; Zone 5 sa Taguing; Zone 1 at 2 sa Brgy. Adaoag; at Zone 7 sa Bitag Pequenio.

Binigyang diin ng bagong talagang general manager ng CAGELCO-1 na bahagi ito ng adhikain ng pamahalaan na mapahusay ang pamumuhay ng mga residente sa mga liblib na lugar at mailapit ang serbisyo ng pamahalaan sa mga kanayunan.

Matatandaan na isinagawa ang ground breaking ceremony para sa sitio electrification program sa Zinundungan Valley sa bayan ng Rizal kung saan 21 sitio ang mabebenipisyuhan dito.

-- ADVERTISEMENT --