Umaabot sa 773 pamilya o katumbas ng 2,149 indibidwal ang kasalukuyang nanunuluyan sa mga evacuation centers sa bayan ng Ballesteros, Cagayan dahil sa bagyong Nando.
Ayon kay Julius Ramos, Public Information Officer ng LGU Ballesteros, karamihan sa mga lumikas ay mula sa mga mababang lugar at tabing-dagat.
Aniya, nakatanggap naman ng sapat na ayuda at serbisyo ang mga evacuees upang matiyak ang kanilang kaligtasan at pangangailangan habang nananatili sa evacuation centers.
Sa ngayon, hinihintay pa ang pinal na abiso mula sa mga kinauukulan kung kailan ligtas nang makakabalik ang mga residente sa kani-kanilang mga tahanan.
Samantala, sinabi ni Ramos na malaki ang pinsalang idinulot ng bagyo sa sektor ng agrikultura.
Aniya, Maraming palayan ang naapektuhan, at bagama’t may ilan nang nakapag-ani bago tumama ang bagyo, mas marami pa rin ang hindi nakapag-harvest at nanganganib ang kabuhayan.