TUGUEGARAO CITY-Kasalukuyan ang ginagawang search and retrieval operation ng PNP-Tabuk kasama ang mga opisyales ng Barangay sa walong taong gulang na batang lalaki na nalunod sa irrigation canal sa Brgy. Bulanao Centro, Tabuk City, Kalinga.

Ayon kay PCol. Davy Vicente Limmong, Provincial Director ng PNP-Kalinga, napunta sa malalim na bahagi ng irigasyon ang namatay na biktima na si Sheyne Natarte, walong taong gulang habang naliligo kasama ang nakatatandang kapatid na sampung taong gulang na dahilan ng kanyang pagkalunod.

Sinubukan namang sagipin ng nakatatandang kapatid ang biktima nang makitang nalulunod na ang kapatid pero hindi nito kiniya dahil malalim na ang tubig.

Kaagad namang ipinagbigay alam ng sampung taong gulang na kapatid ang nangyari sa kanilang ina na kasalukuyang nasa kanilang tahanan kung saan agad namang humingi ng tulong sa mga otoridad at sa mga tao sa lugar.

Nagtulong-tulong na ang mga otoridad at mga residente para sa search and retrieval operation pero hanggang ngayon ay hindi pa nakikita ang katawan ng biktima.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, muling nagpaalala si Limmong sa publiko na huwag hayaan ang mga anak na maligo sa naturang irigasyon lalo na kung hindi binabantayan para maiwasan ang kahalintulad na pangyayari.