
Iginiit ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Ma. Theresa Lazaro na hindi maituturing na kabiguan ang 80 porsiyentong pagkakumpleto ng negosasyon para sa Code of Conduct (COC) sa South China Sea sa ilalim ng pamumuno ng Pilipinas sa ASEAN.
Ayon kay Lazaro, nagawa na ng Pilipinas ang nararapat sa panahon ng panunungkulan nito bilang ASEAN chair, subalit kinulang lamang sa panahon upang tuluyang matapos ang kasunduan.
Sinabi rin ng kalihim na maaari sanang makumpleto ang COC kung nabigyan pa ng karagdagang lima hanggang anim na buwan ang negosasyon.
Inaasahang maipagpapatuloy ang usapin sa ilalim ng pamumuno ng Singapore sa ASEAN sa 2027, bagama’t wala pang tiyak na petsa kung kailan ito tuluyang matatapos.
Layunin ng COC na magtakda ng mga panuntunan upang maiwasang lumala ang mga sigalot sa South China Sea at mauwi sa mas malawak na armadong tunggalian.










