
Kinilala ng United Nations (UN) ang progreso sa negosasyon ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at China hinggil sa Code of Conduct sa South China Sea, sa kabila ng hindi pa nararating na pinal na kasunduan.
Sa ASEAN-UN Summit, pinuri ni UN Secretary-General Antonio Guterres ang mga hakbang na nagawa sa negosasyon at nagpahayag ng pag-asang tuluyan nang matatapos ang kasunduan.
Binigyang-diin din ni Guterres ang suporta ng United Nations sa karapatan ng lahat ng bansa na malayang makapaglayag sa South China Sea.
Hindi naman direktang sinagot ng kalihim kung anong hakbang ang maaaring gawin ng UN sakaling hindi kilalanin ng China ang ilang probisyon ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Samantala, inaasahang magpapatuloy ang negosasyon sa susunod na taon sa ilalim ng pamumuno ng Singapore bilang bagong ASEAN chair.










