Natagpuan na kaninang umaga ang bangkay ng siyam na taong gulang na batang babae matapos maiulat na nalunod sa Cagayan river na sakop ng Iguig, Cagayan.

Ayon kay PCapt Catherine Bañarez, deputy Chief of Police ng PNP-Iguig na natagpuan sa bahagi ng Brgy San Isidro ang palutang-lutang na bangkay ng biktima tatlong araw matapos siyang malunod sa bahagi ng ilog sa Brgy Ajat.

Nabatid na nagkayayaan ang biktima kasama ang apat niyang pinsan na maligo sa ilog noong hapon ng Sabado, June 10, 2023.

Hindi naman agad naireport sa mga otoridad ang pagkalunod ng biktima dahil noong una ay takot ang apat na bata na magsabi ng totoong nangyari kung kaya kinaumagahan na ng simulan ang paghahanap sa biktima.

Sinubukan pa umanong sagipin ng mga bata ang kanilang pinsan subalit nabigo sila dahil sa malakas na agos ng tubig noong araw na iyon sanhi ng naranasang malakas na ulan at hangin.

-- ADVERTISEMENT --

Paalala naman ng mga kinauukulan na bantayang mabuti ang kanilang mga anak para maiwasan ang hindi inaasahang insidente.