TUGUEGARAO CITY-Umabot sa siyam na katao ang patay habang anim ang nananatiling nasa pagamutan matapos na mahulog ang isang dump truck sa bangin sa Sitio Binongsay, Barangay Malin-awa, Tabuk City, Kalinga, kahapon.
Nakilala ang mga namatay na sina Ghelyn Khim Gallema, Crisanta Casirayan, Rosita Mangagom, Edmund Mangagom, Jules Alvester, Gaspar Edoc,Rufina Gaano, Doming Matalang at Ngi-iw Gaano na pawang mga residente ng Brgy. New Tanglag.
Ayon kay Fire officer 2 Mark Francis Gabel ng BFP-Kalinga, dalawa umano sa mga namatay na biktima ay dead-on-arrival habang ang pito ay namatay habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan.
Una rito, dadalo sana ang nasa 40 sakay ng dump truck sa tinatawag na “Posipos” isang tradisyonal na aktibidad ng Kalinga ,ngunit habang binabaybay ang paakyat na bahagi ng daan sa nasabing lugar ay hindi kinaya ng driver na si Mark John Lazaro, 20-anyos na mag-shift gear at nawalan ng preno na dahilan ng pag-atras ng sasakyan hanggang sa nahulog ito sa tinatayang dalawa hanggang tatlong metrong lalim na bangin.
Nakatalon naman ang ilan sa mga sakay ng dump truck kung kaya’t nakaligtas ang mga ito.
Sa ngayon, nasa kustodiya na umano ng PNP-Kalinga ang driver na maswerteng nakaligtas habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon.