Tuguegarao City- Muling nakapagtala ng 9 na panibagong kaso ng COVID-19 ang Department of Health (DOH) Region 2.
Sa pinakahuling datos ng kagawaran ay umakyat na sa 108 ang kabuuang bilang ng tinamaan ng nakakahawang sakit sa lambak ng Cagayan.
Kabilang sa mga naidagdag ay si CV100, 32 anyos na lalaking mula sa Tuao at galing ng Sta. Cruz Manila, CV101 na 47 anyos, lalaki mula Tuguegarao City, galing ng Valenzuela, Manila, CV102 na 47 anyos na lalaking galing ng Imus, Cavite at mula sa bayan ng Sanchez Mira.
Nagpositibo rin sa virus si CV103 na isang 23 anyos na babaeng galing ng Quezon City mula sa Baggao, CV104 na 28 anyos na lalaki mula Ilagan City at galing ng Sampaloc Manila, CV105 na 51 anyos na lalaking OFW sa Saudi mula sa Echague maging si CV106 na isang 27 anyos na lalaking OFW sa UAE mula San Mateo, Isabela.
Kasama pa sa listahan sina CV107 na isang 32 anyos na lalaking galing ng Baliuag, Bulacan, nakasalamuha ni CV87, mula San Mariano, Isabela at si CV108 na isang 31 anyos na lalaki mula Quezon, Isabela na galing naman ng Caloocan City.
Sa ngayon ay nagpapagaling na sa iba’t ibang isolation facilities na ang mga pasyente habang patuloy naman ang isinasagawang contact tracing para sa posibleng nakasalamuha ng mga ito.